Saturday, August 15, 2009

Paglapit at Pakikisalo sa Hapag ng Diyos

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (Agosto 16, 2009)


"Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan."

Dahil dito'y nagkaroon ng mainitang pagtatalu-talo ang mga Judio, "Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?"

Sinabi ni Jesus, "Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. Buháy ang Ama na nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman."

-Juan 6:51-58

Mahirap tanggapin ang itinuturo ni Jesus tungkol sa pagbibigay Niya ng Kanyang sarili bilang tinapay para sa lahat. Ang pagpatay sa tao ay isang nakasusuklam na kasalanan. Ano pa kaya ang pagkain sa laman ng tao? Hindi maintindihan ng mga Hudyo ang turo ni Jesus at hindi rin naman ito madaling natanggap ng mga paganong nakarinig nito nang ipangaral ng mga alagad ang Kristiyanismo sa iba't ibang bansa. Paanong magagawa ng isang Diyos na ipakain ang Kanyang sarili sa mga tao? Hinamon ng turong ito ang karunungan ng mga pagano. Sabi nga ni San Pablo, "Ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan (1 Cor 1:23)." Kung ating tutuusin, isa ngang kahangalan ang pag-aalay ni Jesus sa krus at sa Eukaristiya, bilang tinapay. Ngunit "ang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao (1 Cor 1:25)."

Ang pag-aalay ni Kristo ng Kanyang sarili ay ang pinakadakilang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ito ang itinakda ng Diyos na ipinahayag na sa mga unang pahina pa lamang ng Biblia. Sa aklat ng Genesis ay nangako ang Diyos na magsusugo ng Tagapagligtas na lulupig kay Satanas. Ngunit sino nga bang mag-aakala na sa ganitong paraan tayo ililigtas ng Diyos?

Marahil minabuti na rin ng Diyos na iligtas tayo sa pamamagitan ng malupit na kamatayan at maluwalhating muling pagkabuhay ni Jesus upang mabigyan tayo ng isang mabuting halimbawa ng pagbibigay ng sarili, pagbibigay nang lahat at walang ipinagdadamot. Sa pamamagitan ni Jesus, hindi lamang tayo niligtas ng Diyos; binigyan Niya rin tayo ng huwaran upang maiwasan nating muling lumubog sa kumunoy ng pagkakasala.

Sa Eukaristiya, patuloy tayong binubusog at binibigyang-buhay ni Jesus. Wika Niya, "Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay (Jn 6:53)." Unti-unting nanghihina ang mga kaluluwa ng mga hindi tumatanggap ng Eukaristiya. Ang Eukaristiya ay hindi isang bitamina ng kaluluwa na karagdagang lakas lamang ang naibibigay; kailangan ito ng kaluluwa dahil ito ang kanyang pangunahing pagkain. Ang Eukaristiya ay si Jesus, at si Jesus lamang ang pinagmumulan ng lahat ng buhay at kalakasan.

Kung gayon, kinakailangan nating tanggapin nang madalas ang Eukaristiya. Kung mayroon mang mga balakid, tulad ng kasalanan, na pumipigil sa atin sa pagtanggap nito, dapat natin itong itakwil, sa tulong ng Diyos sa Sakramento ng Kumpisal. Dapat nating pagsumikapan na maging karapat-dapat tayong tanggapin ang pagkain ng ating kaluluwa. Kung pinaghihirapan natin ang pagkain ng ating katawan, higit nating dapat paghirapang makamtam ang pagkain ng ating kaluluwa. Ito ay ibinibigay sa lahat nang walang bayad; ngunit dapat maging malinis at karapat-dapat tayo upang tanggapin ito.

Sa dakilang pag-ibig ng Diyos ay inihahandog Niya sa atin ang Kanyang sarili bilang pagkaing nagbibigay-buhay. Buong pananalig nawa nating tanggapin ito. Sa pagtanggap nito ay mananahan sa atin si Jesus, at mabubuhay tayo dahil sa Kanya, kasama Niya, sa Kanya, at katulad ng pamumuhay Niya. Sa huling araw, isisilang tayo sa walang-hanggang buhay dahil pinakain natin ang ating mga kaluluwa.

Inihandog na sa atin ng Diyos ang lahat. Kailangan na lamang nating lumapit at makisalo sa Kanyang hapag.

Sunday, August 9, 2009

Katawan para sa Ikabubuhay ng Lahat

Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon (Agosto 9, 2009)

Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, "Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit." Sinabi nila, "Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong, 'Bumaba ako mula sa langit?' " Kaya't sinabi ni Jesus, "Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, At silang lahat ay tuturuan ng Diyos. Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama."

"Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. Narito ang tinapay na bumaba mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan."


-Juan 6:41-51

Hindi maintindihan ng mga Hudyo kung paanong bumaba si Jesus mula sa langit. Kilala nila si Jesus pati na ang Kanyang mga magulang. Paano nga sila maniniwala na mula sa langit si Jesus?

Ipinaliwanag sa kanila ni Jesus na walang nakalalapit sa Kanya malibang loobin ito ng Kanyang Ama. Ipinahihiwatig dito ni Jesus na ang Kanyang pagparito sa lupa ay kalooban ng Ama para sa ikabubuhay ng lahat. Isinilang Siya sa daigdig dahil ito ang paraang inisip ng Ama upang maligtas ang Kanyang minamahal na kawan. Si Jesus ay biyaya sa atin ng Ama, isang handog para sa ikaliligtas natin. Siya ang buháy at nagbibigay-buhay na sagisag ng pagkalinga ng Diyos.

Para sa ating nabubuhay na malayo sa kapanahunan ni Jesus, pinagkaloob Niya ang Banal na Eukaristiya. Ito ay hindi lamang isang pag-aalaala sa Kanyang paghahain ng sarili sa krus. Hindi lamang ito tanda. Ito ay totoong Siya, ang buháy at nagbibigay-buhay na tinapay. Sa pamamagitan ng Eukaristiya, natutupad ang ninanais ng Diyos na ihandog sa lahat ng tao ang Kanyang Anak. Dito, nadadala sa kasalukuyan o naisasangayon ang pag-aalay ni Jesus ng Kanyang katawan sa Kalbaryo, mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan.

Ang handog sa atin ni Jesus ay ang Kanyang katawan at dugo sa ikabubuhay ng lahat (Jn 6:51). Ang paghahandog ni Jesus ng katawan at dugo ay isang paghahandog ng Kanyang buhay. Sa Eukaristiya, tinatanggap natin nang buong pananalig ang buhay ni Jesus. Ang buhay na ito ay ang walang hanggang buhay kapiling ang Banal na Santatlo at ang lahat ng mga banal.

Ang pagtanggap sa buhay ni Jesus ay pagtanggap din naman sa isang hamon. Isa itong hamon na gawing buhay ni Jesus ang sarili nating mga buhay. Ika nga ni San Pablo, "Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Kristo na ang nabubuhay sa akin (Gal 2:20)." Dapat nating akuin ang mga gawain ni Jesus. Dapat nating sundin ang kanyang mga yapak, mamuhay kung paano Siya namuhay dahil tinanggap natin ang Kanyang buhay.

Kung gayon, hindi lamang tayo pinalulusog ng Eukaristiya, binabago rin tayo nito. Kung tatanggapin natin nang buong pananalig ang tinapay ng buhay, unti-unti tayong nagiging Jesus para sa lahat. Iyan ay kung ating isasapuso't isasabuhay ang aral ng Eukaristiya. Anong payapa at ganda ng daigdig kung lahat tayo ay magiging Jesus!

Saturday, August 1, 2009

Nakahihigit na Pagkagutom

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (Agosto 2, 2009)

Kaya't nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus.

Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, "Guro, kailan pa kayo rito?"

Sumagot si Jesus, "Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan."

Kaya't siya'y tinanong nila, "Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?"

"Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya", tugon ni Jesus.

"Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, 'Sila'y binigyan ni Moises ng tinapay na galing sa langit'", sabi nila.

Sumagot si Jesus, "Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Dahil ang tinapay na galing sa Diyos ang bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan."

Sumagot sila, "Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito."

Sinabi ni Jesus, "Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman."

-Juan 6:24-35

Sinasabi sa Mabuting Balita ngayon na hinanap ng mga tao si Jesus. Naganap ito matapos ang himala ng pagpaparami ng tinapay at isda kung saan mahigit sa limang libo ang nakakain. Harapang sinabi ni Jesus sa mga tao na hinahanap lamang nila Siya sapagkat nakakain sila at nabusog, hindi dahil sa himalang nakita nila (Jn 6:26).

Ang paghahanap ng mga tao kay Jesus ay sagisag ng paghahanap ng tao sa Diyos. Sa simula pa lamang ng kanyang buhay ay hinahanap na ng isang tao ang isang makapagbibigay sa kanya ng mga kailangan niya upang mabuhay. Nang makilala niya ang Diyos at mabatid niyang makapangyarihan ito, patuloy niya na itong hinahanap. Hinahanap niya ang Diyos dahil kailangan niya ito upang mabuhay.

Ang ganitong hilaw na pananampalataya ay talamak sa mga Kristiyano ngayon. Marami sa atin ang tumatawag sa Diyos sa oras ng materyal na pangangailangan lamang. Ang tingin lamang natin sa Diyos ay isang Dakilang Tagapagkaloob ng mga pangangailangan upang mabuhay. Ang pananampalatayang ito ay hilaw at madaling mamamatay sa panahon ng kagipitan. Kung ganito ang pananampalataya ng lahat ng Kristiyano, walang matitirang Kristiyano sa hanay ng mga mahihirap.

Sa paglapit sa Kanya ng mga Hudyong naghahanap ng pagkain, ipinabatid ni Jesus sa kanila ang isang nakahihigit na pagkagutom na madalas ay hindi nila nabibigyang-pansin. Ito ay ang pagkagutom ng kaluluwa. Hangad ng bawat kaluluwa ang yakap ng Diyos ngunit hindi nabibigyang-pansin ang paghahangad na ito dahil sa pagkagutom ng katawan at sa pagkagutom sa iba't ibang makamundong bagay.


Hindi pinabubulaanan ni Jesus ang ating pagkilala sa Diyos bilang Tagapagkaloob ng mga pangangailangan. Nais lamang ni Jesus na pagtuunan natin ng pansin ang nakahihigit na dahilan kung bakit kailangan natin ang Diyos. Oo, kailangan natin Siya upang mabuhay sa mundo, ngunit gaano ba tayo katagal mabubuhay dito? Higit sa buhay sa mundo, kailangan natin ang Diyos upang iligtas ang ating mga kaluluwa, upang busugin tayo sa pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan.

Sinasabi ni Jesus na Siya ang tinapay na nagbibigay-buhay. Sa pagtanggap sa Kanya, wala na tayong hahangarin pa. Hanapin muna natin ang buhay na kaloob Niya sa ating mga kaluluwa. Itaguyod natin ang mabuting pakikipag-ugnayan sa Kanya. Unahin natin ang pagkagutom ng kaluluwa at ibibigay Niya sa atin ang lahat ng ating mga pangangailangan (Mt 6:33). Sa Kanya lang natin matatagpuan ang kapanatagan ng puso ("Confessions" ni San Agustin ng Hippo), at sa pagtanggap sa Kanya, tinatanggap natin ang buhay na walang hanggan kung saan hindi na tayo magugutom ni mauuhaw kailanman (Jn 6:35).

Ang Inspirasyon ng Blog na Ito

Ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao.

-Heb 4:12

Hinango sa talatang ito ng Bibliya ang pangalan ng blog na ito. Sa talatang nabanggit, inilalarawan ang Salita ng Diyos bilang sandatang higit na matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim.

Nais kong gamitin ang sandatang ito sa pagtarak ko sa kaloob-looban ng sinumang makababasa ng mga pagninilay sa Mabuting Balita na isusulat ko dito. Ang pagtagos ng Salita ng Diyos sa aking mga mambabasa, at maging sa akin rin, ang siyang unti-unting magbabago sa ating sarili at sa lipunan. Ayon nga sa talata, ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa. Nakikilala at binabago tayo nito.

Katulad ng nabanggit na, ang blog na ito ay pupunuin ko ng mga pagninilay sa Mabuting Balita tuwing Linggo. Katulad lang ito ng ginagawa ko sa una kong blog. Ginawa ko lamang itong bagong blog sa Filipino upang lalong tumagos sa ating kaloob-looban ang Salita ng Diyos.

Batid kong hindi gayon karami ang mambabasa ng una kong blog, ang Lamp upon Our Feet, na patuloy ko pa rin namang pupunuin ng mga pagninilay (na malamang ay maging salin ng isusulat ko dito, simula ngayon). Gayumpaman, matapat kong pinagpatuloy ang pagsusulat doon sapagkat batid kong may naidudulot itong kabutihan sa mga mambabasa, kaunti man sila. Nasasabi ko ito dahil isa na mismong mambabasa ng blog na iyon ang nagbahagi sa akin. Bukod dito, masaya na ako dahil sa pagsusulat, naihasik ko na ang binhi. Sa lupa na lamang nakasalalay ang pag-usbong at pagbunga ng aking inihasik.

Layon at panalangin kong dumami pa ang makapagbabasa ng mga isusulat ko, hindi para sa sarili kong karangalan, kundi para sa ikabubuti ng kawan ng Diyos, na binubusog Niya ng Kanyang Salita. Nawa tumagos sa buong pagkatao natin ang kapangyarihan ng Salitang ito.