Saturday, August 15, 2009

Paglapit at Pakikisalo sa Hapag ng Diyos

Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (Agosto 16, 2009)


"Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan."

Dahil dito'y nagkaroon ng mainitang pagtatalu-talo ang mga Judio, "Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?"

Sinabi ni Jesus, "Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. Buháy ang Ama na nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman."

-Juan 6:51-58

Mahirap tanggapin ang itinuturo ni Jesus tungkol sa pagbibigay Niya ng Kanyang sarili bilang tinapay para sa lahat. Ang pagpatay sa tao ay isang nakasusuklam na kasalanan. Ano pa kaya ang pagkain sa laman ng tao? Hindi maintindihan ng mga Hudyo ang turo ni Jesus at hindi rin naman ito madaling natanggap ng mga paganong nakarinig nito nang ipangaral ng mga alagad ang Kristiyanismo sa iba't ibang bansa. Paanong magagawa ng isang Diyos na ipakain ang Kanyang sarili sa mga tao? Hinamon ng turong ito ang karunungan ng mga pagano. Sabi nga ni San Pablo, "Ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan (1 Cor 1:23)." Kung ating tutuusin, isa ngang kahangalan ang pag-aalay ni Jesus sa krus at sa Eukaristiya, bilang tinapay. Ngunit "ang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao (1 Cor 1:25)."

Ang pag-aalay ni Kristo ng Kanyang sarili ay ang pinakadakilang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ito ang itinakda ng Diyos na ipinahayag na sa mga unang pahina pa lamang ng Biblia. Sa aklat ng Genesis ay nangako ang Diyos na magsusugo ng Tagapagligtas na lulupig kay Satanas. Ngunit sino nga bang mag-aakala na sa ganitong paraan tayo ililigtas ng Diyos?

Marahil minabuti na rin ng Diyos na iligtas tayo sa pamamagitan ng malupit na kamatayan at maluwalhating muling pagkabuhay ni Jesus upang mabigyan tayo ng isang mabuting halimbawa ng pagbibigay ng sarili, pagbibigay nang lahat at walang ipinagdadamot. Sa pamamagitan ni Jesus, hindi lamang tayo niligtas ng Diyos; binigyan Niya rin tayo ng huwaran upang maiwasan nating muling lumubog sa kumunoy ng pagkakasala.

Sa Eukaristiya, patuloy tayong binubusog at binibigyang-buhay ni Jesus. Wika Niya, "Malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay (Jn 6:53)." Unti-unting nanghihina ang mga kaluluwa ng mga hindi tumatanggap ng Eukaristiya. Ang Eukaristiya ay hindi isang bitamina ng kaluluwa na karagdagang lakas lamang ang naibibigay; kailangan ito ng kaluluwa dahil ito ang kanyang pangunahing pagkain. Ang Eukaristiya ay si Jesus, at si Jesus lamang ang pinagmumulan ng lahat ng buhay at kalakasan.

Kung gayon, kinakailangan nating tanggapin nang madalas ang Eukaristiya. Kung mayroon mang mga balakid, tulad ng kasalanan, na pumipigil sa atin sa pagtanggap nito, dapat natin itong itakwil, sa tulong ng Diyos sa Sakramento ng Kumpisal. Dapat nating pagsumikapan na maging karapat-dapat tayong tanggapin ang pagkain ng ating kaluluwa. Kung pinaghihirapan natin ang pagkain ng ating katawan, higit nating dapat paghirapang makamtam ang pagkain ng ating kaluluwa. Ito ay ibinibigay sa lahat nang walang bayad; ngunit dapat maging malinis at karapat-dapat tayo upang tanggapin ito.

Sa dakilang pag-ibig ng Diyos ay inihahandog Niya sa atin ang Kanyang sarili bilang pagkaing nagbibigay-buhay. Buong pananalig nawa nating tanggapin ito. Sa pagtanggap nito ay mananahan sa atin si Jesus, at mabubuhay tayo dahil sa Kanya, kasama Niya, sa Kanya, at katulad ng pamumuhay Niya. Sa huling araw, isisilang tayo sa walang-hanggang buhay dahil pinakain natin ang ating mga kaluluwa.

Inihandog na sa atin ng Diyos ang lahat. Kailangan na lamang nating lumapit at makisalo sa Kanyang hapag.

1 comment:

  1. Makakain mo ang tinapay na nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng pag-nguya sa isang otsa na nasisira.

    ReplyDelete